Nagpaalala ang Police Regional Office 6 sa publiko lalo na sa mga nasa sektor ng pangingisda na sumunod sa mga umiiral na batas, tiyaking kumpleto ang mga kinakailangang dokumento at gumamit ng wastong paraan gayundin ng kagamitan sa pangingisda.
Ito’y makaraang makapagtala ang naturang tanggapan ng Pulisya ng mahigit 230 indibidwal na naaresto sa iligal na pangingisda na nagresulta naman sa pagkakasabat ng mahigit ₱25 milyong pisong halaga ng mga kagamitan.
Ayon kay Western Visayas PNP Director, Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, saklaw ng naturang ulat ang buong buwan ng Setyembre kung saan, ipinakita ang masidhing pagnanais na pangalagaan ang mg yamang-dagat at baybayin sa rehiyon.
Dagdag pa niya, patuloy na makikipagtulungan ang kanilang tanggapan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan at mga komunidad sa baybayin upang matugunan ang illegal fishing.
Hinikayat din ang mga mangingisda na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad kung makasaksi sila ng mga aktibidad na maaaring makaapekto sa kaligtasan at pangmatagalang pangangalaga ng yamang-dagat ng rehiyon.


