Pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang mga operational protocol nito para tulungan ang mga paaralan na harapin ang mga hamon ng El Niño Phenomenon sa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Education Sec. Sonny Angara, nakatutok ang kanilang estratehiya ng kahandaan sa patuloy na risk-assessment, updated contingency plan at flexible learning options para protektahan ng mga guro, mag-aaral at kawani mula sa peligrong dulot nito.
Kasabay nito, sinabi ni Angara na kanila ring pinagtitibay ang edukasyon hinggil sa climate change, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kaya naman inatasan ng kalihim ang mga kawani ng DepEd na bilisan ang integration ng mga konsepto ng climate change sa basic education learning competencies para umayon sa environmental resilience agenda ng pangulo.
Mahigpit din ang tagubilin ni Angara sa mga eskwelahan – gawing prayoridad ang pagtatayo ng water, sanitation at hygiene facilities, pamamahagi ng ligtas na inuming tubig, pagsasaayos ng mga tubo at pagpapabuti ng bentilasyon sa mga silid-aralan.