Nais iprayoridad ni Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer Victor Alfonso Limlingan ang higit pang pagpapabuti ng serbisyo para sa mga miyembro at pensioner ng ahensya.
Sa kanyang unang press conference ngayong araw, inilatag ni Limlingan ang mga plano at repormang isusulong ng kanyang liderato, kabilang ang pagpapalawak ng loan programs para mas matugunan ang pangangailangan ng mga miyembro.
Palalawakin din ang Pension Booster products para magkaroon ng karagdagang opsyon ang mga miyembro sa paghahanda para sa kanilang pagreretiro, gayundin ang pagpapahusay sa returns mula sa mga investment ng SSS.
Nais din ni PCEO Limlingan na matugunan ang mahahabang pila sa mga sangay ng ahensya, sa pamamagitan ng posibleng pagpapasimple ng mga documentary requirement, at pagbubukas ng mas maraming sangay, kabilang ang mas maliliit na tanggapan upang mailapit ang serbisyo sa mga miyembro.
Kasabay nito, palalawakin ang paggamit ng teknolohiya, lalo na sa pag-update ng personal na impormasyon ng mga miyembro.
Samantala, nilinaw ng bagong SSS chief na wala siyang planong humiling ng dagdag na kontribusyon mula sa mga miyembro sa ngayon.
Aniya, nauunawaan ng ahensya ang mga pinansiyal na hamong kinakaharap ng maraming manggagawa.