Napanatili ng Pilipinas ang Tier 1 ranking sa ulat ng United States State Department hinggil sa paglaban sa human trafficking sa loob ng labing-isang magkakasunod na taon, ayon sa Department of Justice o DOJ.
Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Ty, patunay ito na patuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang mga isyu at hamon na may kaugnayan sa human trafficking sa bansa.
Itinuturing aniya itong malaking karangalan, lalo’t sa 188 bansang sumailalim sa pagsusuri ng US State Department, 36 lamang ang nakakuha ng Tier 1 ranking.
Sa Southeast Asia, Pilipinas at Singapore lamang ang mga bansang nakapagtala ng naturang ranggo.
Binigyang-diin ni Ty na hindi nangangahulugang tuluyan nang nawala ang human trafficking sa isang bansa upang makamit ang Tier 1 ranking.
Sa halip, mahalagang pamantayan aniya ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang labanan at tugunan ang naturang krimen. | ulat ni DK Zarate