Agresibo na ang aksiyon ng National Food Authority (NFA) sa pagpapataas ng buffer stock ng bigas kaugnay pa rin ng paghahanda ng pamahalaan sa epekto ng El Niño.
Sa panayam ng PTV kay NFA Administrator Dr. Larry Lacson, sinabi niyang nagdagdag na ng warehouse ang NFA gayundin ay mas pinataas na nito ang buying price ng palay upang matiyak na sapat at lalabis pa ang mabibili nilang palay sa mga lokal na magsasaka.
Sa ngayon, target ng NFA na makabili ng aabot sa 500,000 metric tons ng bigas hanggang katapusan ng taon.
Ito’y upang mapataas pa ang base buffer stock ng bansa at masuportahan pa rin ang mga programa ng pamahalaan tulad ng Benteng Bigas Program.
Base sa datos ng NFA nasa pitong araw pa ang buffer stock nila ng bigas na balak itaas sa 15 days buffer stock.
Pagdating naman sa estado ng National buffer stock ng bigas kung saan kasama na ang household stocks at ang mga trader ay papalo pa ito sa 75 days rice buffer stock.