Nakakuha ng 98 porsiyentong resulta sa polygraph examination ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating pulis na nag-akusa kay incumbent Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo na nagsilbi itong bagman ng mga contractor na sina Curlee at Sarah Discaya, ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Ayon kay Remulla, nakakuha si Rodulfo Gracioso Jr., dating security aide ni noo’y House Speaker Lord Allan Velasco, ng 98 porsiyento sa isinagawang polygraph test, na nagpapakitang nagsasabi siya ng katotohanan kaugnay ng kanyang mga pahayag tungkol sa paghahatid ng pera sa mga kilalang personalidad sa pulitika at mga contractor.
“Noong isang araw, nag-polygraph test siya sa NBI, 98 percent he was telling the truth,” wika ni Remulla.
“When asked about kung nag-deliver siya ng bags, the polygraph said he was telling the truth. When asked about iyong relationship niya, the polygraph said he was telling the truth,” dugtong pa niya.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Gracioso na kabilang si Quimbo sa mga pinanggalingan ng perang inihatid niya sa ilang personalidad. Idinetalye rin niya ang ilang insidente kung saan sangkot si Quimbo sa paghawak at paghahatid ng pera na sinasabing nagmula sa mga contractor ng flood control.
“Noong naging Speaker na si Boss Allan noong October 2020 ay lalong dumalas at dumami ang mga delivery ng pera sa bahay ni Boss Allan at Ma’am Wen sa Valle Verde 2 galing sa iba’t ibang personalidad tulad nila Cong. Zaldy Co, Sir Miro Quimbo, Atty. Honey Sipin, Discaya at Sarah Discaya at iba pang DPWH contractor,” ani Gracioso.
Ayon kay Gracioso, direktang narinig niya kay Quimbo sa isang pagpupulong sa Starbucks sa Katipunan na nagmula kina Curlee at Sarah Discaya at iba pang DPWH contractor ang perang inihatid niya.
“Kay Sir Miro Quimbo ko din narinig noong nasa Starbucks Katipunan, malapit sa Miriam College, na galing ang pera kila Curlee Discaya at Sarah Discaya at iba pang DPWH contractor,” ani Gracioso.
Sinabi rin ni Gracioso na minsan siyang inutusan ni Velasco na kunin ang pera mula kay Quimbo sa isang sangay ng Starbucks malapit sa Petron Katipunan, kung saan nakita niya ang noo’y DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kasama ang mambabatas.
“Sa isang pagkakataon rin, nakita ko si Usec. Maria Catalina Cabral kasama si Sir Miro Quimbo sa Starbucks Petron Katipunan nung utusan ako ni Boss Allan na magpick up ng pera galing kay Sir Miro, na dinala ko naman sa No. 142 Sampaguita St. Valle Verde 2,” wika pa niya.
Ayon sa kanya, binuksan niya ang package sa bahay sa Valle Verde upang bilangin ang pera bago ito ibigay kina Charmaine at Joan, na kinilala niyang mga personal assistant ni Velasco.
Isinalaysay din ni Gracioso na minsang inutusan siya ni Velasco na magdala ng dalawang malalaking maleta na naglalaman ng pera mula sa 142 Sampaguita St. Aniya, nagmula ang pera sa mga koleksiyon nina Quimbo at abogadong si Honey Sipin.
“Hindi bababa sa 100M yung kabuuang laman ng maleta,” sabi pa ni Gracioso.
Ang asawa ni Quimbo na si dating Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ay naging miyembro ng bicameral conference committee at nagsilbing senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations noong deliberasyon sa 2025 national budget.
Itinalaga rin siya bilang acting chairperson ng komite matapos bumaba sa puwesto ang kontrobersyal na Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co. Naging bahagi rin si Quimbo ng tinaguriang small committee, kung saan lumutang ang mga alegasyon ng mga insertion sa 2025 national budget.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na maghihintay muna ang kanyang tanggapan ng mga karagdagang pahayag o impormasyon kaugnay ng mga alegasyon ni Gracioso laban kay Quimbo, dahil naniniwala siyang makararating sa kanyang tanggapan ang mga alegasyong ibinahagi ng dating pulis.
“For now, pinapanood po muna namin ang mga sumasambulat na nakakagulat. Kaya panoorin muna natin sila at kung meron kaming maaaring gawin diyan sa pag-iimbestiga, gagawin namin sa tamang panahon,” wika niya.