Umani ng positibong reaksiyon mula sa mga kinatawan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagsusulong ng Pilipinas sa karapatan at kapakanan ng kababaihan, partikular sa kanilang partisipasyon sa pamahalaan.
Bukod sa kilalang hospitality ng mga Pilipino, pinuri rin ni Hanani Sapit, Director General ng Department of Women Development ng Malaysia, ang mga hakbang ng Pilipinas para isulong ang gender equality sa gobyerno, na nakapaloob sa Magna Carta of Women o Republic Act 9710.
“For the Philippines, yeah. I am so attracted to how, like, in terms of the policy, in terms of getting special funds for the women, and also in terms of the Magna Carta… I mean, like, you guys have moved away beyond just policy, but to real action,” sabi ni Sapit sa panayam ng Radyo Pilipinas.
Kabilang si Sapit sa mahigit isang daang kalahok sa 4th ASEAN Women Leaders’ Summit na ginanap kamakailan sa Mandaluyong City.
Sumentro ang naturag summit sa pagpapalakas ng representasyon ng kababaihan sa matataas na posisyon sa pamahalaan, upang magkaroon ng mas malaking partisipasyon sa pagbuo ng mga polisiya para sa pag-unlad ng rehiyon.
Bagay na isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang ASEAN 2026 Chair.
Batay kasi sa pag-aaral ng ASEAN, nasa 13.54 percent lamang ang regional average ng kababaihan sa ministerial positions sa Southeast Asia. Underrepresented din umano ang mga kababaihan sa mga larangan ng transportasyon, enerhiya, at macroeconomics.
Pinasalamatan naman ni Philippine Commission on Women at ASEAN Committee on Women Chairperson Ermelita Valdeavilla si Pangulong Marcos sa kanyang suporta sa sektor ng kababaihan.
“I want to thank President Ferdinand Romualdez Marcos Jr. Thank you very much! You just don’t know what the representatives from the ASEAN countries are saying. They were saying, ‘How I wish all presidents of the ASEAN are like your president,’ and that makes me very proud,” wika ni Valdeavilla.
Samantala, magbubukas na sa Martes (October 6) ang apat na araw na ASEAN Conference on Women, Peace and Security na gaganapin sa Pasay City.