Arestado ang isang 32-anyos na lalaki matapos umanong magbiro tungkol sa bomba habang sakay ng isang eroplano sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City, Leyte.
Nangyari ang insidente habang sumasakay ang mga pasahero para sa flight patungong Maynila nitong ika-1 ng Oktubre.
Matapos tanungin ng cabin crew ang lalaki kung mayroon siyang power bank, sumagot ito nang malakas at pabirong nagsabi na sa halip ay may dala itong bomba.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng PNP Aviation Security Group at inaresto ang pasahero. Nagsagawa rin ng security sweeping at K-9 paneling operations ang mga awtoridad, at idineklarang ligtas ang paliparan matapos walang makitang explosive o incendiary materials.
Nananatili sa kustodiya ng Tacloban Airport Police Station ang suspek habang inihahanda ng PNP ang kaukulang reklamo dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law. Paalala ng PNP Aviation Security Group, seryosong usapin ang bomb jokes sa mga paliparan at agad itong tinutugunan para sa kaligtasan ng mga biyahero.