Nanawagan ang Lawyers for Commuters Safety and Protection sa mga local government unit sa Metro Manila na huwag munang ipatupad ang kanilang No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, kailangan munang magkaroon ng public consultation tungkol sa pagpapatupad nito.
Dapat ding linawin, aniya, kung bagong ordinansa ang NCAP, kung nagkaroon ng public hearing, at kung paano titiyakin ang due process para sa mga motorista.
Hiniling din ni Inton na ipaliwanag kung may private contractor na kikita mula sa mga multang makokolekta.
Binanggit niya ang naging desisyon ng Korte Suprema sa mga petisyon laban sa NCAP ordinances ng ilang LGU.
Nilinaw ng Korte Suprema na ang dismissal ng mga petisyon ay hindi nangangahulugang idineklarang valid ang mga kinuwestiyong NCAP issuances. Sinabi ng LCSP na hindi ito tutol sa traffic enforcement, ngunit dapat malinaw at naaayon sa batas ang pagpapatupad ng NCAP.