Matagumpay na nailigtas ng Philippine National Police at Australian law enforcement authorities ang pitong biktima ng online child exploitation sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., naging posible ito dahil sa impormasyong ibinahagi ng Australian Federal Police sa Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC).
Nagresulta rin sa pag-aksyon laban sa tatlong umano’y facilitator ng online exploitation ang isinagawang imbestigasyon.
May kaugnayan ang kaso sa isang 62-anyos na Australian national na sinentensiyahan ng Brisbane Supreme Court ng 19 na taong pagkakakulong dahil sa mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso sa mga bata sa Pilipinas.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot at biktima. Sinabi ni Nartatez na mahalaga ang mabilis na palitan ng impormasyon at koordinasyon ng mga law enforcement agency upang agad na maprotektahan ang mga batang nasa panganib.