Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng dalawang estudyante ng Cauayan South Central School sa Lalawigan ng Isabela.
Ito’y matapos makuryente ang naturang mga estudyante sa kasagsagan ng color and bubble fun run.
Ayon sa DepEd, gumagawa na sila ng kaukulang hakbang kasunod ng nangyaring insidente at nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan gayundin sa mga awtoridad hinggil dito.
Sa katunayan, gumugulong na ang isang fact finding investigation para alamin kung may nalabag bang safety protocols na nagresulta sa kalunos-lunos na pangyayari.
Pagtitiyak ng DepEd, gagawin nila ang mga kinauukulang hakbang batay sa magiging resulta ng imbestigasyon.
Hiniling rin nila ang privacy ng mga apektadong estudyante gayundin ng kanilang pamilya at iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon lalo na sa social media.