Photo courtesy of Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)
Tuluyan nang binawi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Authority to Operate at renewal application ng dalawang Transport Network Company (TNC) dahil sa paglabag sa mga regulasyon.
Kabilang dito ang Leggo Information Technology Solutions at Aztech Solutions International Corp., na natuklasang hindi na aktibong nag-ooperate.
Ayon kay Acting LTFRB Chair Atty. Greg Pua Jr., nabigong matugunan ng dalawang TNC ang mga kondisyon sa pagbibigay ng platform para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Una nang kinansela at binawi ng LTFRB ang kanilang Certificate of Accreditation at renewal application matapos hindi makasunod sa mga itinakdang panuntunan ng LTFRB.
Kasunod nito iginiit ng LTFRB na hindi magdadalawang-isip ang ahensya na magsuspinde o bumawi ng Authority to Operate kung makokompromiso ang kaligtasan at maayos na serbisyo para sa mga commuter.
“The granting of the Certificate of Accreditation comes with a responsibility, an obligation and a commitment to provide the best services to the commuting public. That’s one of the conditions that must be strictly followed,” pahayag ni Acting Chair Pua.