Naniniwala si House Prosecutor Terry Ridon na ang mas maagang pagdedesisyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay makabubuti para sa lahat.
Sinabi ni Ridon na kung kaya ng Senate Impeachment Court na maglabas ng hatol bago ang December 16, mas magiging mainam ito para sa lahat ng panig.
Gayunman, igagalang aniya ng prosecution ang magiging timetable na itatakda ng Impeachment Court.
Nauna nang sinabi ng Court spokesperson na maaaring magkaroon ng final verdict pagsapit ng December 16 kung magpapatuloy sa kasalukuyang bilis ang paglilitis.
Pero nilinaw ni Senator Francis Pangilinan na hindi pa pormal na napag-uusapan o napagpapasyahan ng Impeachment Court ang naturang petsa.
Ayon naman kay Prosecution Legal Spokesperson Benjamin Tolosa Jr., ginagawa ng prosecution ang lahat upang mapabilis ang kanilang presentasyon, ngunit nakadepende rin sa depensa kung gaano kabilis matatapos ang buong paglilitis.