Naglabas ng updated revenue issuances ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay sa paghahain at pagproseso ng tax credit at refund claims para sa excess o unutilized creditable withholding taxes o CWT.
Dito nakasaad kung saan dapat ihain ang mga claim at kung aling tanggapan ang responsable sa pag-review at pag-apruba.
Sa ilalim ng RMC No. 102-2026, nakasaad na magsisimula ang 180-day processing period sa regular CWT refund applications kapag naisumite na ang kumpletong application at supporting documents. Para naman sa claims kaugnay ng dissolution o cessation of business, umiiral ang special two-year processing period sa ilalim ng Tax Code.
Nilinaw naman sa RMC No. 103-2026 na ang claims para sa Capital Gains Tax sa pagbebenta ng real property na classified as capital asset, kasama ang kaugnay na Documentary Stamp Tax, ay dapat ihain sa Revenue District Office na may hurisdiksyon sa lokasyon ng property.
Samantala, ang iba pang covered claims ay ihahain sa RDO, Large Taxpayers Audit Division o Large Taxpayers Division na may hurisdiksyon sa taxpayer-claimant.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, layon ng bagong guidelines na magkaroon ng malinaw na filing procedures, processing timelines, at responsibilidad ng bawat BIR office para mas maayos at consistent ang paghawak sa refund claims.