Photo courtesy of PRIB/Cesar Tomambo
Hindi dapat basta-basta isantabi ang mga paratang ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV kaugnay ng mga pondong konektado sa China at iba pang transaksiyong pinansyal ni Vice President Sara Duterte at kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio.
Ito ay sa kabila ng desisyon ng dating mambabatas na huwag nang tumestigo sa impeachment court.
Ayon kay House Prosecution at Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. sapat ang bigat ng mga akusasyon upang suriin at i-cross-check ito sa mga opisyal na records na inaasahang ihaharap sa Senate Impeachment Court, simula ngayong Lunes.
Matatandaang ibinunyag ni Trillanes noong Biyernes na ang Cale88 Foods Corp., kumpanyang pagmamay-ari ni Carpio ay nakatanggap umano ng ₱319 milyon mula s sa China.
Bukod dito, inakusahan din ang Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines Inc., isang pundasyong iniuugnay kay Duterte na nakatanggap ng ₱150 milyon mula sa Embahada ng China.
Ibinunyag din ng dating senador ang mga isyu hinggil sa hindi idineklarang time deposits at insurance policies.
Ayon kay Tolosa, ang mga opisyal na dokumentong inaasahan mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), mga bangko, at iba pang institusyong pinansyal ang magsisilbing basehan upang malaman kung may ebidensya ngang sumusuporta sa mga pahayag ni Trillanes.