Itinutulak ni Negros Occidental 3rd District Rep. Javi Benitez ang malawakang reporma para maprotektahan ang mga sugar farmer at mapalakas ang kakayahan ng industriya ng asukal na makipagsabayan sa pabago-bagong merkado.
Sa kanyang pagharap sa press briefing kasunod ng LegisHear public consultation sa Victorias City, sinabi ni Benitez na nasa krisis ang industriya ng asukal kaya kailangan ang agarang intervention gayundin ang mga pangmatagalang solusyon.
“We have to really take a look at our sugar industry because we believe it is in a crisis. I mean, let’s just call a spade a spade,” ani Benitez.
Isa sa mga panukalang batas na itinutulak ni Benitez ang House Bill No. 9088 o ang Tunay na Ugnayan, Buhay, at Oportunidad sa Asukal (TUBO) Act, na layong palakasin ang proteksyon sa mga magsasaka laban sa epekto ng biglaang sugar importation, tiyakin ang suporta ng pamahalaan, at gawing mas transparent ang mga desisyon para sa industriya.
Sa ilalim ng TUBO Act, iminungkahi ang pagtaas ng taunang pondo para sa industriya mula ₱2 bilyon tungo sa ₱5 bilyon simula 2027, kabilang ang pondo para sa farm-to-mill roads, irrigation, climate adaptation at resilience.
Nakapaloob din sa panukala ang 18-buwang pause sa commercial sugar imports, maliban kung mapatunayan ang kakulangan sa suplay, at papayagan lamang ang importasyon kapag bumaba sa 200,000 metric tons ang verified raw sugar stocks.
Layunin nitong gawing mas transparent at nakabatay sa aktuwal na datos sa produksyon, imbentaryo, at konsumo ang mga desisyon ng pamahalaan sa pag-aangkat ng asukal.
Itinatakda rin ng panukala ang price-support mechanism kung saan maaaring bumili ang pamahalaan ng asukal kapag bumagsak ang millgate price sa ibaba ng certified cost of production, na bibigyang-prayoridad ang maliliit na magsasaka, at agrarian reform beneficiaries.
Kasama rin sa TUBO Act ang mas mahigpit na audit sa mga sugar mill, transparency sa Sugar Orders, socialized credit, tulong sa fertilizer at machinery, emergency assistance kapag may pest outbreak o kalamidad, at pagpapalakas ng imprastraktura sa mga sugar farm.
Nagpahayag naman ng suporta si House Speaker Faustino Dy III sa panukala.
“Napakahalagang panukalang batas ang proposed bill para proteksyonan yung ating mga sugarcane farmers dito po sa Negros,” ani Dy, at maaari rin umanong makinabang dito ang mga magsasaka sa iba pang bahagi ng bansa.