Apat na magkakasunod na buwan nang walang overdue regulatory applications ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Central Office at 17 Regional Offices.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling Jr., 16 na linggo na nilang napapanatili ang zero overdue bilang bahagi ng layuning mapabilis at maging transparent ang serbisyo publiko.
Hinimok ng kalihim ang mga opisyal, lalo na ang regional directors, na ipagpatuloy ang naturang sistema.
Mula Hunyo, nagsasagawa ng lingguhang reporting at certification para matiyak na walang nakabinbing regulatory applications.
Sa ilalim ng polisiya ng DHSUD, may 15 araw ang mga tanggapan para aksyunan ang aplikasyon habang 90 araw naman ang ibinibigay para makumpleto ang kakulangan sa requirements.
Bahagi ito ng Zero Backlog Program ng DHSUD para matiyak ang mabilis at maayos na pagproseso ng mga aplikasyon.