Kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day ngayong araw, muling nanawagan si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ng mas mataas na sahod at dagdag na suporta para sa mga guro sa bansa.
Ayon kay Diokno, mahalaga ang papel ng mga guro sa buhay ng kanilang mga estudyante at sa nation-building kaya dapat tumbasan ng makabuluhang suporta ang kanilang ambag.
Aniya, kung nais nating magkaroon ng de-kalidad na edukasyon, kailangan din tiyaking maayos ang kalagayan, sapat ang sahod at suporta para sa ating mga guro.
Muling itinulak ni Diokno ang House Bill No. 7649 o “Dagdag Sahod for Public Basic Education Teachers and Employees Act,” na naglalayong magdagdag ng P15,000 sa basic monthly salary ng lahat ng teaching at non-teaching personnel sa public basic education.
Ang dagdag-sahod ay ipatutupad sa loob ng tatlong taon.
P6,000 sa unang taon, P5,000 sa ikalawa at P4,000 sa ikatlong taon.
isinusulong din niya ang House Bill No. 7648 o “Healthy Buhay at Hanapbuhay para sa Guro Act,” para sa mas komprehensibong hospital, healthcare at wellness benefits ng mga guro at kanilang dependents.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng dedicated teachers’ health centers at specialty wards sa DOH-retained hospitals, habang sasagutin ng national government ang PhilHealth premiums ng public school teachers. | ulat ni Kathleen Forbes