Katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), mas pinaigting ng DA-National Meat Inspection Service ang operasyon nito kontra undocumented meat products.
Kasunod ito ng nabistong pagpupuslit ng tinatayang ₱5.19 milyong halaga ng undocumented meat products na nakumpiska sa Pasay City.
Nasabat ang kabuuang 11,507.42 kilo ng assorted frozen imported meat at meat products mula China sa magkasanib na operasyon ng DA-NMIS at NBI noong September 22–23 sa isang property sa C.A. Lucban Street.
Sa raid, natukoy na “hot meat” ang mga produkto at itinuring na hindi angkop para sa konsumo dahil undocumented ang mga ito at may nakitang senyales ng expiration at decomposition.
Kabilang sa mga nakumpiska ang peking duck, kalapati, tupa, yellow chicken, itim na manok, at iba pang frozen meat products.
Dalawang Chinese nationals din ang naaresto at dinala sa Pasay City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.
Patuloy ang imbestigasyon at case buildup para sa posibleng paglabag sa Food Safety Act, Meat Inspection Code, at iba pang kaugnay na batas.
Paalala ng NMIS sa publiko, bumili lamang ng karne mula sa lehitimong sources at tiyaking may wastong inspection marks, labels at kinakailangang dokumentasyon.