Aabot sa ₱45 bilyon ang target na pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa El Niño response ng ahensya.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., may pauna nang ₱6.2 bilyon na inilabas para sa UPLIFT assistance para sa mga magsasaka at mangingisda. Kabilang dito ang fuel assistance at iba pang tulong para sa agri sector.
Sa ngayon, kabilang aniya sa mga kritikal na sektor ang palay at mais, kaya kailangan ng karagdagang pondo para sa solar irrigation systems, farm machinery, at fertilizer.
Aniya, nasa ₱8 bilyon din ang hinihinging karagdagang pondo ng DA para sa fertilizer assistance, partikular sa pagpapalakas ng seeding sa mga lugar na hindi gaanong maaapektuhan ng El Niño.
Iginiit ng DA na seryoso ang paghahanda ng gobyerno sa El Niño dahil maaaring maapektuhan nito ang local agricultural production.
Nakikipag-ugnayan din ang DA sa Department of Labor and Employment, Department of Social Welfare and Development, mga LGU, at iba pang ahensya para matulungan ang mga magsasaka at mapalakas ang paghahanda laban sa epekto ng El Niño.