Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga tauhan ng PNP Maritime Group dahil sa aktibong papel nila sa pagprotekta sa karagatan ng bansa.
Kasunod ito ng insidente kung saan namataan ng Joint Task Unit Pag-asa ang isang Chinese fishing vessel at ilang maliliit na bangka na umano’y nagsasagawa ng blast fishing malapit sa Sandy Cay 2 at Sandy Cay 3, sa kanluran ng Pag-asa Island, noong Linggo, Oktubre 4.
Agad na ipinadala ang mga tauhan ng PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine Navy (PN) para imbestigahan at harangin ang barko. Pero hindi umano ito sumunod sa utos na huminto at sa halip ay tumakas patungong Zamora o Subi Reef.
Batay sa ulat ng PCG, lumapit ang China Coast Guard vessels 5102 at 21581 at nagsagawa ng radio challenge habang isinasagawa ang pagtugis. Sinundan at hinarangan pa umano ng CCG 21581 ang PCG vessel na HSRB-019, at umabot sa mahigit 10 yarda ang layo nito.
Umikot din umano nang apat na beses sa paligid ng grupo ang isang helicopter ng People’s Liberation Army-Navy. Kalaunan ay itinigil ang operasyon at bumalik ang grupo sa Pag-asa Island.
Kinondena ng PNP ang anumang uri ng ilegal na pangingisda sa karagatan ng Pilipinas, lalo na ang dynamite fishing na sumisira sa marine ecosystem at kabuhayan ng mga mangingisda.
Inatasan naman ni Nartatez ang Maritime Group na paigtingin pa ang pagbabantay at intelligence gathering sa paligid ng Pag-asa Island at Kalayaan Island Group.