Nanawagan si Quezon 3rd District Representative Reynante Arrogancia na talakayin na ng Kamara ang panukalang “Teacher in Every Barrio Act” kasabay ng paggunita sa World Teachers’ Day, ngayong October 5.
Ang House Bill 8547 ay naglalayong magpatupad ng scholarship at incentive program para makahikayat ng mga kwalipikadong guro sa geographically isolated and disadvantaged areas o GIDAs at mga komunidad ng Indigenous Peoples.
Sa ilalim ng panukala, maaaring mabigyan ng scholarship ang mga kwalipikadong residente ng mga liblib na lugar para sa kanilang teacher education, kabilang ang suporta sa living expenses, books, technology, at school supplies.
May return-to-service obligation naman ang mga scholar matapos makakuha ng professional license upang magsilbi sa kanilang sariling komunidad o iba pang lugar na nangangailangan ng mga guro.
May mga insentibo rin para sa mga gurong made-deploy sa remote areas, kabilang ang hardship at hazard allowances, housing assistance, government benefits, at professional development.
Ayon kay Arrogancia, hindi dapat maging hadlang ang layo ng isang komunidad para magkaroon ang mga bata ng access sa kwalipikado at dedikadong guro.