Isinusulong ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang iisang pamantayan sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP sa iba’t ibang lungsod.
Sa House Resolution 1490, hiniling niya sa House Committee on Transportation na siyasatin ang kahandaan sa muling pagpapatupad ng NCAP.
Muling ipinatupad ang camera-based traffic enforcement matapos ibasura ng Supreme Court ang mga petisyon laban dito at alisin ang temporary restraining order.
Ayon kay Gutierrez, kailangang tiyakin ng Kongreso na patas, pare-pareho at malinaw ang pagpapatupad ng polisiya, kabilang ang multa at proseso ng pag-apela.
Sinabi rin niyang dapat malinaw kung paano iniingatan ang footage at personal data ng mga motorista at kung saan ginagamit ang mga nakokolektang multa.
Iginiit ng mambabatas na dapat malinaw na nakukuhanan ng camera ang aktuwal na paglabag at hindi basta napaparusahan ang motorista dahil sa kakulangan ng signage o iba pang sitwasyon sa kalsada.
Layunin din ng inquiry na alamin kung kailangan ng batas para maging pare-pareho ang automated traffic enforcement at maprotektahan ang karapatan ng mga motorista.