Pinaghahandaan ng Department of Energy ang mas mataas na demand sa kuryente at posibleng problema sa suplay bunsod ng epekto ng mas mainit na panahon na dala ng very strong El Niño.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, may epekto ang supply at demand sa presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market.
Kaugnay nito, kinausap na ng kalihim ang Energy Regulatory Commission para makahanap ng ibang paraan upang maiwasan ang pananamantala ng mga nagbebenta ng kuryente sa merkado.
Samantala, sinabi pa ni Garin na posibleng makaapekto rin sa power generation capacity ang inaasahang mainit na panahon sa huling bahagi ng taon, gayundin ang extreme heat at dry conditions.
Mahihirapan aniyang gumana ang hydropower plants kapag natuyo o kumonti ang tubig sa mga ilog, habang naaapektuhan din ang mga coal plant.
Bagama’t naghahanda ang kagawaran, hinimok ng opisyal ang publiko na maging aware at magsimulang magtipid sa paggamit ng kuryente.