Pinaigting ng pamahalaan ang mga hakbang para mapalakas ang food supply, mapababa ang gastos sa enerhiya at maprotektahan ang mga consumer mula sa tumataas na presyo.
Ito ay matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na bumilis sa 7.2 percent ang inflation noong September, mula 6.1 percent noong August.
Ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, pangunahing dahilan nito ang pagkaantala ng supply ng pagkain dulot ng masamang panahon at pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Para mapagaan ang epekto nito, sinuspinde na ng pamahalaan ang excise tax sa LPG at kerosene at pinalawak ang Secondary Price Cap sa Visayas at Mindanao grids para bumaba ang singil sa kuryente.
Isinusulong din ang toll waiver sa mga pangunahing highway para sa mga nagbibiyahe ng agricultural products.
Para naman sa food security, pinalalawak ang palay storage sa Tarlac at inilunsad na ang kauna-unahang commercially approved na bakuna kontra African Swine Fever para mapatatag ang supply ng baboy sa paparating na holiday season.
Samantala, bilang paghahanda sa mas matinding El Niño, pinabibilis din ang pagbili ng mga agricultural input at nagsasagawa ng cloud seeding operation sa mga lugar na tinamaan ng tagtuyot.