Nanawagan si Deputy Speaker Janette Garin sa publiko at pamahalaan na isama ang kalusugan sa mga paghahanda sa posibleng mas matinding El Niño.
Ayon kay Garin, kailangang paghandaan hindi lamang ang suplay ng pagkain at tubig kundi pati ang epekto ng matinding init sa kalusugan ng mga Pilipino.
Aniya, mas madaling ma-dehydrate ang katawan kapag mataas ang temperatura, habang tumataas din ang panganib ng heat exhaustion at heat stroke.
Payo ni Garin, uminom ng sapat na tubig kahit hindi pa nauuhaw at iwasang magtagal sa ilalim ng araw, lalo na mula tanghali hanggang hapon.
Hinikayat din niya ang publiko na huwag balewalain ang mga sintomas gaya ng matinding pagkahilo, panghihina at pagsusuka, na maaaring senyales na kailangang magpahinga at magpalamig.
Partikular na dapat bantayan ang mga bata, senior citizen, outdoor workers at mga may dati nang karamdaman dahil mas bulnerable sila sa matinding init.
“Habang naghahanda ang gobyerno para sa posibleng matinding El Niño. Sana kasama sa paghahanda natin ang kalusugan…Tama na maaga tayong maghanda. Hindi kailangang matakot, pero huwag tayong magpabaya. Sa El Niño, hindi lang pagkain at tubig ang dapat nating paghandaan kundi pati ang kalusugan,” diin ni Garin.