Biyaheng Singapore si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa 5-day working visit kasunod na rin ng imbitasyon ni Prime Minister and Minister for Finance His Excellency Lawrence Wong.
Magsisimula ang working visit bukas ng Punong Ehekutibo, October 7 hanggang 11 kung saan ay inaasahang isusulong ang lalo pang pagpapalalim sa ugnayan ng Pilipinas at ng Singapore.
Inaasahan ding isusulong ni Pangulong Marcos ang kooperasyon sa mga sektor na makatutulong sa kaunlaran ng Pilipinas at mapalawak ang economic engagement.
Mahalaga rin ang working visit ng Pangulo dahil sa nalalapit na pagtatapos ng Pilipinas bilang ASEAN Chair at pagsisimula naman ng Singapore bilang susunod na ASEAN chair sa 2027.
Kasama din sa magiging aktibidad ng Pangulo ang pagdalo sa 24th Forbes Global CEO Conference at doon ay inaasahang makikipag-ugnayan sa mga pangunahing business leaders ng Singapore at ng iba pang mga bansa.