Sa botong 247 pabor, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill No. 9805 na naglalayong higpitan ang batas laban sa illegal recruitment.
Sa ilalim ng panukala, maaari nang ituring na syndicated illegal recruitment ang operasyon ng dalawang taong walang lisensya o awtoridad na magkakasabwat sa pagre-recruit ng mga manggagawa.
Layunin ng HB 9805 na pigilan ang maliliit ngunit organisadong grupo ng mga unlicensed recruiter na makatakas sa mas mabigat na parusa dahil lamang sa dalawa ang sangkot sa kanilang operasyon.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, kailangang umangkop ang batas sa aktuwal na paraan ng operasyon ng mga illegal recruiter upang mas maprotektahan ang mga pamilyang maaaring mabiktima nito.
“With President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. leading the national government and Speaker Bojie Dy at the helm of the House, our job is to make the law catch up with the way illegal recruitment actually operates. Two unlicensed recruiters working together can already destroy several families, so the protection of the law should not depend on waiting for a third conspirator,” saad ng House Majority leader.
Mananatili naman ang umiiral na probisyon na tatlo o higit pang tao ang kinakailangang sangkot para maituring na syndicated illegal recruitment kung sila ay may lisensya o awtoridad ngunit nagsabwatan.
Patuloy ding ituturing na economic sabotage ang syndicated at large-scale illegal recruitment, habang mananatili ang large-scale recruitment kapag tatlo o higit pang tao ang naging biktima.
Pinahihintulutan din ng panukala ang Department of Labor and Employment at mga law enforcement officer na magsampa ng reklamo laban sa illegal recruiters, habang inaalis ang lumang probisyon tungkol sa administrative arrest, detention, search at seizure.