Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi sila ang bumili ng mga nag-viral na fire tricycle o fire trike sa social media.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ang lokal na pamahalaan ng Nueva Ecija ang bumili ng mga ito at wala pang 100 gallons ang kapasidad.
Paglilinaw ng kalihim, ang binibili ng DILG ay mga fire truck na mula South Korea na nagkakahalaga ng P10 milyon bawat isa, at may kapasidad na 750 gallons.
“Okay to be clear ang bumili nun Nueva Ecija. Ang binibili namin galing South Korea P10 million each, 750 gallons capacity. Ayun yata wala pang 100 gallons eh pero Nueva Ecija ang bumili nun hindi kami pero siyempre finifake news na naman kami but the truth will be out,” ani Remulla.
Samantala, sa hiwalay na paliwanag ng Bureau of Fire Protection (BFP), magkaiba ang fire trike at fire truck. Ang mga fire trike ay inisyatiba naman ng mga lokal na pamahalaan para makatulong sa mga rumerespondeng bumbero ng BFP, habang ang mga fire truck ay ginagamit ng BFP at patuloy na binibili, na may kapasidad na 500, 750 at 1,000 gallons.