Isinusulong ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang dalawang panukala upang mas mapadali ang pag-access sa pormal na pautang ng mga maliliit na mangingisda.
Layunin ng Senate Bill Nos. 2513 at 2514 na tugunan ang mga hadlang sa pagkuha ng puhunan ng small-scale fisherfolk, na kadalasang walang tradisyonal na kolateral at nakararanas ng pabago-bagong kita dahil sa lagay ng panahon, dami ng huli, presyo ng gasolina, at iba pang panganib sa kanilang kabuhayan.
Sa ilalim ng SB 2514, maaaring gamitin bilang kolateral sa pautang ang mga movable asset ng maliliit na mangingisda, gaya ng bangka, fishing gear, cold storage, receivables mula sa bentahan ng isda, at maging ang future catch.
Samantala, sa ilalim ng SB 2513, nais ni Pangilinan na ilaan sa fisheries at aquaculture ang 10 porsyento ng 25 porsyentong credit quota ng mga bangko para sa agriculture at fisheries financing.
Kalahati ng naturang alokasyon ay dapat mapunta, aniya, sa small-scale fisherfolk.
Ayon kay Pangilinan, mahalagang mabigyan ng abot-kayang puhunan ang mga mangingisda upang madagdagan ang kanilang huli at mapalakas ang suplay ng isda sa bansa.
Binigyang-diin ng senador na kapag kulang ang suporta sa mga mangingisda, maaaring maapektuhan ang suplay at tumaas ang presyo ng isda sa merkado.