Hinikayat ni Senadora Imee Marcos ang gobyerno na bawasan din ang excise tax at VAT sa diesel at gasolina, sa halip na LPG at kerosene lang ang saklaw ng suspensyon ng excise tax sa ilalim ng Executive Order No. 125.
Ayon kay Senator Imee, mas kailangan ang bawas sa buwis sa diesel at gasolina dahil pangunahing ginagamit ito ng mga transport worker, magsasaka at mangingisda.
Sinabi ng senadora na umabot na sa 99.41 dollar kada bariles ang average price ng Dubai crude mula August 13 hanggang September 11, lampas sa 80-dollar threshold na nakasaad sa Republic Act No. 12316.
Sa kabila ng rollback noong September 29, nasa 95.17 hanggang 96.72 pesos kada litro ang diesel, habang nasa 88.78 hanggang 90.62 pesos naman ang gasolina.
Kauganay nito, tatlong hakbang ang iminungkahi ni senadora imee: ang partial reduction sa excise tax, pagbawas sa VAT, at targeted fuel discount para sa maliliit na konsyumer.
Aniya, hindi kailangang tuluyang alisin ang excise tax basta mabawasan lang ang pasanin ng mga gumagamit ng diesel at gasolina bilang kabuhayan.
Iminungkahi rin ng mambabatas ang paggamit ng fuel card o voucher na may pangalan ng benepisyaryo at buwanang limitasyon para matiyak na mapupunta ang ayuda sa mga tunay na nangangailangan. | ulat ni Nimfa Asuncion