Inamin ng Anti-Money Laundering Council o AMLC na unang pagkakataon para kay Executive Director Ronel Buenaventura na makakita ng bank system error na umabot sa bilyong piso ang halaga.
Sa impeachment trial, kinumpirma ni Buenaventura na nag-request ang Bank of the Philippine Islands (BPI) ng correction sa mga transaction report nito kaugnay ng account ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senator-Judge Vicente Sotto III, mula sa dating naiulat na halos 2 billion pesos na halaga, itinama ito sa humigit-kumulang 2 million pesos dahil umano sa system glitch.
Sinabi ni Buenaventura na dumaan sa validation ng AMLC ang request ng BPI at nagsagawa ng audit bago aprubahan ang correction.
Aniya, regular na nakatatanggap ang AMLC ng mga request mula sa mga financial institution para itama ang reporting errors, pero karaniwan itong mas maliliit na halaga o isa hanggang dalawang transaksyon lamang.
Pero ayon sa AMLC official, batay sa kanyang karanasan bilang AMLC executive director, ang insidenteng ito sa BPI ang unang naaalala niyang kaso na umabot sa ganitong kalaking halaga.
Hindi naman niya maipaliwanag kung paano nangyari ang naturang system error, partikular sa bahagi ng pag-isyu ng manager’s check.
Sinabi rin ni Buenaventura na 13 covered transaction reports ang natukoy na may error sa naturang kaso.
Nabatid sa paglilitis na natanggap ng AMLC ang request ng BPI para sa correction noong April 8, 2026. Nilinaw niyang April 14, 2026 lamang siya nagsimulang manungkulan bilang AMLC executive director.