Bubuo ang Philippine National Police (PNP) ng mga panuntunan laban sa mga indibidwal na nakikialam at nakaaabala sa lehitimong operasyon ng pulisya.
Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Directorate for Operations, Legal Service, at Directorate for Investigation and Detective Management na palakasin ang mga alituntunin kung paano haharapin ng mga police unit ang ganitong mga insidente.
Giit ni Nartatez, dapat tratuhin nang may dignidad at respeto ang mga pulis habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at walang dapat basta mamahiya o makialam sa kanila.
Kung may reklamo man sa kanilang asal o itsura, may tamang proseso aniya para rito.
Binigyang-diin ng PNP chief na hindi ito nangangahulugang ipagtatanggol ang mga pulis laban sa mga lehitimong reklamo dahil iimbestigahan pa rin ang anumang alegasyon. Bukas aniya ang PNP sa mga lehitimong kritisismo, pero hindi dapat ito idaan sa pananakot o panghihimasok.