Simula Enero 4, 2027, ipatutupad na sa Pilipinas ang international pricing convention sa pagpepresyo ng mga government at corporate bonds na kasalukuyang nakatakda sa piso, bilang hakbang upang makahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan.
Pinangunahan ng Bureau of the Treasury (BTr), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), at iba pang financial regulators at industry groups ang inisyatiba upang iayon sa international standards ang bond market ng bansa.
Ayon sa mga awtoridad, walang magiging aktuwal na epekto ang pagbabago sa mga investor na hahawak ng kanilang bonds hanggang maturity. Mananatili rin ang mga obligasyon sa buwis, nakatakdang interes, at pagbabayad ng principal alinsunod sa kontrata.
Gayunman, maaaring magbago ang pagkukuwenta sa settlement value ng ilang government at corporate bonds.
Layunin ng nasabing reporma na palalimin ang bond market, palawakin ang bilang ng mga investor, at mapababa ang gastos sa pangungutang ng pamahalaan at pribadong sektor.
Ang hakbang ay kasunod ng anunsyo ng J.P. Morgan na isasama sa Government Bond Index-Emerging Markets series ang Philippine peso-denominated government bonds sa Enero 29 ng susunod na taon na inaasahang makatutulong sa pagpapalawak ng interes ng mga international investor sa bansa.