Sisimulan na ng Commission on Elections o COMELEC ang paglilimbag ng mga opisyal na balota para sa plebisito sa Naga City, Camarines Sur, at special election sa Batanes ngayong Nobyembre.
Ayon sa COMELEC, isasagawa ang pagsisimula ng paglilimbag sa ika-14 ng Oktubre, 10:00 ng umaga, sa National Printing Office sa Diliman, Quezon City, sa pamamagitan ng Ballot Production Committee nito.
Gagamitin ang mga balota sa plebisito sa Nobyembre 21 para pagtibayin ang Presidential Proclamation No. 1267 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagtatakda sa conversion ng Naga City bilang isang Highly Urbanized City.
Samantala, gagamitin din ang mga balota sa special election sa Nobyembre 28 para sa pagpili ng kinatawan ng nag-iisang legislative district ng Batanes sa House of Representatives.