Iginiit ni House lead prosecutor Gerville Luistro na mahalagang masuri ang mga ari-arian at negosyo ni Atty. Manases Carpio sa imbestigasyon sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng kaniyang asawang si Vice President Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Carpio na naging collateral damage siya sa impeachment proceedings laban sa bise presidente.
Ayon kay Luistro, bagama’t hindi opisyal ng gobyerno si Carpio, kailangang suriin ang kanilang pinagsasaluhang ari-arian alinsunod sa umiiral na batas sa pag-aari ng mag-asawa.
Ipinaliwanag niyang sa kawalan ng prenuptial agreement na nagtatakda ng ibang property regime, karaniwang umiiral ang absolute community of property, alinsunod sa Family Code.
Kabilang sa sinusuri ng prosecution ang 47.5 percent shareholding ni Carpio sa Cale88 Foods Corporation.
Sa testimonya ng prosecution’s financial forensic expert na si Atty. Alexander Cabrera, tinukoy umano ang nasa 817.87 million pesos na hindi idineklarang assets at kita ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.
“And because wala siya sa public service, kaya niya siguro nasabi na siya ay collateral damage dito dahil kung ano ’yung kinaharap ng kanyang asawa na isang public official, eh tatamaan din siya, ‘ika nga. Pero para sa ating mga nanonood na kababayan, huwag po nating kalimutan, in the absence of prenuptial agreement, kung wala pong pinagkasunduan na property regime ang husband and wife bago ikasal, matic po that the property regime is under absolute community of property. That explains kung bakit kasama po sa presentation ng evidence ’yung business interest ni Atty. Manases Carpio, like Cale88,” ani Luistro.