Inaasahang maihahain sa Kongreso ang isang resolusyon upang imbestigahan ang mga pondo mula sa China na diumano’y pumasok sa kompanya ni Bise Presidente Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Sa isang panayam sinabi ni House Prosecutor at Bukidnon Representative Jonathan Keith Flores na nalaman lamang ng House prosecution panel ang ukol sa nasabing pondo sa gitna ng paghaharap ng mga testigo sa Senate Impeachment Court.
Aniya, hinde nila ito alam bago ang impeachment at nakalap lamang noong presentation of witnesses.
Binigyang-diin din ng mambabatas na nagpaplano na ring kumilos ang iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), at Office of the Ombudsman ukol sa isyu ng Calle88 Foods Corp.— ang umano’y banana chip company nina Duterte at Carpio.
Unang isiniwalat ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang mga alegasyong ito sa isang press conference, na kalaunan ay kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Batay sa testimonya ng AMLC sa Senate Impeachment Court, umabot sa ₱319 milyon ang diumano’y natanggap ng Calle88 mula sa mga negosyong may kaugnayan sa China.