Sa ika-13 ng Oktubre, 2026, nakikiisa ang buong mundo sa pagdiriwang ng International Day for Disaster Risk Reduction. Ang temang “Resilience Starts at Home” o “Ang Katatagan ay nagsisimula sa Tahanan” ay naghahatid ng mahalagang mensahe sa lahat: ang kaligtasan laban sa mga sakuna ay kailangang magsimula sa ating sariling pinto.
Ayon sa datos mula sa United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNODRR) malaki ang nagagawa ng kung paano at saan tayo naninirahan sa antas ng panganib na ating kakaharapin. Ang isang “high-risk home” o mataas ang panganib na tahanan ay kadalasang matatagpuan sa mga mapanganib na lokasyon, may mahinang konstruksyon, at kulang sa regular na pagpapanatili. Ang mga ganitong kondisyon ay nagreresulta sa mas mataas na panganib sa oras ng kalamidad.
Sa kabilang banda, ang isang “safe and resilient home” o ligtas at matatag na tahanan ay binuo gamit ang risk-informed planning o planong nakabatay sa panganib, resilient construction o matibay na konstruksyon, at regular na maintenance o pagpapanatili. Ang mga tahanang ito ay nag-aambag sa pagbuo ng mas ligtas na komunidad.
Binigyang-diin din na ang pagbuo ng katatagan ay isang pinagsama-samang responsibilidad. Mula sa gobyerno na gumagawa ng mga regulasyon at planong panlupa, sa mga developer at tagapondo na nagpapasya kung ano at saan magtatayo, sa mga insurer na nagtatakda ng presyo ng panganib, hanggang sa bawat pamilya na dapat kumilos para sa kanilang sariling kaligtasan. Kapag ang anumang bahagi ng kadenang ito ay nabigo, ang mga tao ang nagbabayad.
Ang layunin ngayong taon ay itaas ang kamalayan sa buong mundo, patatagin ang pamamahala at pamumuhunan para sa matatag na pabahay, palakasin ang kapangyarihan ng bawat sambahayan—lalo na ang mga pinaka-vulnerable—at palakasin ang papel ng pribadong sektor sa pagbabawas ng panganib sa pabahay.
Isang matinding mensahe ang iniwan ng UNODRR para sa lahat: “Walang sinuman ang dapat pumili sa pagitan ng abot-kayang tahanan at ligtas na tahanan.” Ang pag-iwas ay mas mura kaysa sa muling pagtatayo, at ang babala ay dapat makarating sa bawat sambahayan.
Source: United Nations Office for Disaster Risk Reduction