Mas maaga nang maiku-konsidera ang regional development priorities sa mga desisyon sa pambansang budget.
Kasunod ito ng paglalabas ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) ng bagong guidelines na magbibigay sa mga lokal na komunidad at stakeholders ng mas malakas na boses sa pagbalangkas ng mga prayoridad sa paggastos ng gobyerno para sa Fiscal Year (FY) 2028.
Sa ilalim ng bagong polisiya, makikipag-ugnayan ang mga national government agency sa Regional Development Councils (RDCs), local government units (LGUs), civil society organizations (CSOs), at iba pang stakeholder kahit bago pa ilabas ang National Budget Call.
Sa ganitong paraan, maisasaalang-alang ang mga regional proposal habang nagpapasya pa lamang ang mga ahensya sa kanilang budget priorities.
Pinalalakas din ng reporma ang accountability, lalo’t oobligahin ang mga ahensya na ipaliwanag kung paano isinaalang-alang ang mga regional proposal, kasama kung bakit ang ilang proyekto ay isinama, binago, ipinagpaliban, o hindi ginawang prayoridad.
Binigyang-diin ni DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon ang pagbabagong ito sa 4th Regional-National Investment Programming (RNIP) Dialogue.
“That is why regional voices must be heard before budget decisions are made—not after. Our RDCs, LGUs, and regional stakeholders are closest to the realities on the ground. You know where the gaps are,” —Secretary Kim.
Kung matatandaan, pormal na nakasaad ang polisiya sa DBM-DEPDev Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1, s. 2026, o ang Procedural Guidelines on Strengthening Participatory Governance and Regional Development Council Engagement sa Preparation of Agency Budget Proposals for FY 2028.