Maituturing na isang malaking national security issue sa oras na mapatunayang totoo ang alegasyon ng umano’y pagtanggap ng Chinese money ng mga organisasyon at kumpanyang mayroong kaugnayan sa kampo ni Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasabay ng suporta sa imbestigasyon ng Department of National Defense (DNR) upang busisiin ang sinasabing dayuhang pondo.
Kung matatandaan, ang alegasyong ito ay mula kay dating Senador Antonio Trillanes IV, na nagsabing tumanggap umano ng P150 million ang foundation na mayroong kaugnayan sa Bise Presidente mula sa Chinese Embassy.
Habang mahigit P319 million naman ang umano’y pumasok sa kumpanyang konektado sa asawa nitong si Manases Carpio.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalagang magkaroon ng konkretong ebidensya sa halip na umasa lamang sa mga haka-haka, lalo’t seguridad na ng buong Republika ang nakataya dito. Aniya, mas ikatutuwa niya sakaling mapatunayang walang katotohanan ang mga alegasyon ng Chinese funding.