Pinalakas ng Department of Agriculture ang mas matibay na kooperasyon ng mga bansang kasapi ng ASEAN upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa rehiyon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ang pagtutulungan sa harap ng climate change at mga pandaigdigang sigalot na nakaaapekto sa produksyon ng pagkain.
Kabilang sa mga isinusulong na hakbang ang programang “Big Brother, Small Brother,” na nag-uugnay sa malalaking negosyo at maliliit na prodyuser ng agrikultura.
Sa ilalim ng Adapt-A-Coop Program, tinutulungan ang mga kooperatiba sa pamamahala ng negosyo, pagkuwenta ng gastos, at marketing ng kanilang mga produkto.
Inilunsad noong 2024, katuwang sa programa ang mga pribadong kumpanya upang mapalakas ang kakayahan at produktibidad ng mga kooperatiba ng magsasaka.
Layunin din ng inisyatiba na mabawasan ang mga tagapamagitan sa kalakalan at mabigyan ang mga magsasaka ng mas makatarungang presyo ng kanilang ani. | ulat ni Rey Ferrer