Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng police unit at regional command sa bansa na tapusin at simulan nang ipatupad ang kanilang mga hakbang sa seguridad para sa inaasahang pagdagsa ng tao sa Undas.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., magtatalaga ng police assistance desks, foot patrols, mobile teams at emergency response units sa loob at paligid ng mga sementeryo.
Nakaalerto na rin aniya ang lahat ng kaukulang yunit para matiyak ang maayos at ligtas na paggunita ng Undas.
Prayoridad ng PNP na madaling malapitan ang mga pulis sa mga sementeryo, lalo na ng mga bisitang mahihiwalay sa kanilang kasama o mabibiktima ng krimen.
Binigyang-diin din ni Nartatez na mahalaga ang mataas na police visibility sa matataong lugar na maaaring samantalahin ng mga kriminal.
Matatandaang idineklara ng Malacañang ang November 1 at 2, 2026 bilang special non-working days.
Paalala ng PNP sa publiko na manatiling mapagmatyag, sundin ang mga patakaran sa sementeryo, at makipagtulungan sa mga awtoridad.