Nanatiling prayoridad ng Kamara ang sektor ng edukasyon sa 2027 national budget.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson Mikaela Suansing, nasa ₱1.107 trillion ang kabuuang alokasyon para sa edukasyon, alinsunod sa National Expenditure Program (NEP).
Gayunman, nagkaroon ng realignment upang mailipat ang pondo mula sa mga programang may hindi nagagamit na alokasyon patungo sa mga nangangailangan ng agarang suporta.
Kabilang sa mga nadagdagang pondo ang ₱2.1 billion para sa Tertiary Education Subsidy, ₱1.77 billion para sa Tulong Dunong Program, at ₱952 million para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga paaralan.
Nagdagdag din ng ₱500 million para sa School Safety and Security Program at ₱350 million para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Ngayong araw nakatakdang aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang 2027 National Budget.