Suportado ni House Justice Committee Chair at lead prosecutor Gerville Luistro ang panawagan ng mga mangingisda sa Zambales na imbestigahan ang mahigit ₱319 million na remittances mula China at Hong Kong sa Cale88 Foods Corporation.
Ang naturang kompanya ay iniuugnay kay Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, nararapat lang na masusing imbestigahan ang naturang transaksiyon dahil sa posibleng implikasyon nito sa pambansang seguridad, lalo na sa gitna ng tensiyon sa West Philippine Sea.
Batay sa mga rekord na inilahad sa impeachment trial, umabot sa ₱319.33 million ang remittances na pumasok sa corporate accounts ng Cale88.
Sa kanilang manifesto, iginiit ng mga mangingisda na hindi dapat isakripisyo ang kanilang kabuhayan at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea kapalit ng pera o pansariling interes.
Nangako naman sina Zambales Representatives Jay Khonghun at Doris Maniquiz na isusulong ang congressional investigation upang matukoy kung may mga interes na posibleng nakaaapekto sa karapatan ng mga mangingisda at ng bansa.