Ebidensya at hindi mga survey sa politika ang dapat na maging basehan sa paghatol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang malinaw na giit ng House prosecution panel kasunod ng mga lumalabas na poll kung saan nananatiling mataas ang suporta sa Bise Presidente para sa 2028 presidential race.
Ayon kina House impeachment team Spokesperson Ace Barbers at House Prosecutor Terry Ridon, hindi matitinag ang prosekusyon dahil ang paninindigan at responsibilidad nila ay ang ilabas ang buong katotohanan batay sa mga nakalap na facts at ebidensya.
Binigyang-diin ni Barbers na hindi dapat magpa-impluwensya ang mga senator-judge sa anumang survey.
Giit naman ni Ridon, nakapokus sila sa pagpapanagot sa mga alegasyon ng unexplained wealth, pagbabanta, at kwestyonableng paggasta sa confidential funds.
Aniya, mali na iugnay ang survey para sa pagka-pangulo sa ginagawang paglilitis sa Senado, lalo’t may mga nauna rin namang survey na nagpapakitang pabor ang publiko sa pag-impeach sa Bise Presidente.