Masyado pang maaga para tiyakin ang tagumpay ni Vice President Sara Duterte sa 2028 presidential race.
Ito ang malinaw na giit ng House prosecution panel matapos na muling manguna ang Bise Presidente sa presidential survey ng Pulse Asia laban kina Naga City Mayor Leni Robredo at Senator Raffy Tulfo.
Ayon kay House Prosecutor Joel Chua, wala pang sinuman sa mga pangalang nasa survey ang opisyal na nagdeklara ng kanilang kandidatura.
Malaki pa umano ang pwedeng magbago sa mga susunod na taon — lalo’t nakasalalay pa ang kapalaran ni VP Sara sa kinahaharap nitong impeachment trial, habang nananatili namang ayaw tumakbo ni Robredo.
Hinala pa ni Chua, posibleng ginagamit lang ang survey para ikondisyon ang isip ng mga senator-judge na reelectionist na maging maingat sa paghatol sa kaso ng Bise Presidente.