Hiniling ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) na magsagawa ng regular na house-to-house health checks para sa mga senior citizen na namumuhay nang mag-isa, kasunod ng banta ng El Niño.
Ayon kay Ordanes, hindi sapat ang pagpapakalat lamang ng impormasyon tungkol sa mga panganib ng matinding init.
Kailangan aniyang matiyak na regular na nasusuri ang kalagayan ng mga nakatatanda at agad silang natutulungan kapag kinakailangan.
Iminungkahi rin niyang pakilusin ang mga barangay health worker at Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) para matukoy at mabantayan ang mga residenteng nanganganib sa dehydration, heat exhaustion, at heatstroke.
Kabilang sa dapat unahin ang mga senior citizen na mag-isa sa bahay, may karamdaman o hirap kumilos, gayundin ang mga person-with-disability.
Hinimok din niya ang mga barangay na magkaroon ng updated na listahan ng mga residenteng nangangailangan ng tulong at malinaw na sistema para sa emergency medical referrals.