Arestado ng San Juan City Police ang 23-taong gulang na negosyante na sangkot sa tinaguriang “RENTANGAY” scam matapos matimbog sa ikinasang entrapment operations kagabi.
Kinilala ng Eastern Police District (EPD) ang suspek sa alyas na “Lance” na naaresto sa isang prominenteng shopping area sa Brgy. Greenhills sa naturang lungsod.
Batay sa ulat ng San Juan City Police kay EPD Director, Police Brig. Gen. Roman Arugay, nagkasundo umano sina alyas “Lance” at ang biktima para sa ibinebentang 2015 Honda Civic sa halagang ₱400,000.
Nakapagbayad na ang biktima ng ₱220,000 sa suspek at kukumpletuhin na ang bayad kapag naihatid na ang napag-usapang sasakyan.
Subalit pagdating sa lugar ng tagpuan, isang Toyota Innova na ang dala ng suspek dahil sa naibenta na umano sa iba ang sasakyan na naunang pinagkasunduang bilhin.
Kasunod nito, humingi pa ang suspek ng karagdagang ₱170,000, dahilan para magduda na ang biktima kaya nagsumbong na ito sa mga Pulis.
Matapos ang masusing beripikasyon, nabistong nirentahan lang pala ang SUV na iniharap sa suspek at hindi pa naibabalik sa may-ari.
Dahil dito, naisampa na ang reklamong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code (Estafa or Swindling) laban sa suspek na una na ring sumailalim sa inquest proceedings ng Office of the City Prosecutor ng San Juan City.