Pinabulaanan ni House lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang mga pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na “unfair” o hindi patas sa defense team ang pag-atras sa tatlong impeachment charges laban sa Pangalawang Pangulo.
Ayon kay Luistro, hindi na rin naman gagamitin o ikokonsidera ng Senate impeachment court ang mga ebidensyang iniharap ng prosecution ukol sa mga inatras na kaso.
Ipinaunawa ng prosecution team leader na dahil pinagtibay na ng impeachment court ang pag-atras sa mga reklamo, wala nang kailangang desisyunan ang korte ukol sa mga ito, kaya wala na ring dahilan para magharap pa ng ebidensya ang panig ng depensa.
Mga inatras na articles ay ang confidential funds, bribery at threats habang ang natitira na lamang ay ang Article II – ang hindi maipaliwanag na kayamanan o unexplained wealth.
Binigyang-diin din ni Luistro na nabigyan ng sapat na panahon at pagkakataon ang mga abogado ni VP Duterte para mag-cross-examine ng mga saksi at maghain ng mga dokumento noong panahon ng paglilitis.
Aniya, tila nais lamang ng depensa na iharap sa publiko ang kanilang sariling ebidensya matapos maipahayag ang mga alegasyon ng prosecution.
Iginiit ni Luistro na maraming iba pang plataporma ang Pangalawang Pangulo at ang kanyang mga abogado upang maipaliwanag ang kanilang panig.