Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng produktong petrolyo, pinalawak ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang fuel marking operations nito sa 10 revenue region sa bansa.
Ayon sa BIR, umabot sa 189 fuel stations ang nasuri nito hanggang October 13, kung saan 111 ang pumasa sa field test, habang 78 naman ang bumagsak o katumbas ng 41.3% ng lahat ng nasuri.
Aabot din sa mahigit 900,250 litro ang imbentaryo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo sa mga bumagsak sa pagsusuri.
Dahil dito, sinelyuhan ang mga apektadong fuel pump sa 78 establisyimento.
Saklaw ng operasyon ang CAMANAVA at Bulacan, Maynila at Palawan, Quezon City, East NCR, Makati City, South NCR, Western Visayas, Negros Island, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, patuloy nilang tutukuyin ang mga pinagmumulan ng produktong petrolyo na bumagsak sa pagsusuri. Magsasagawa rin sila ng karagdagang beripikasyon, kabilang ang pagsusuri sa mga fuel depot.
Bahagi ang operasyon ng DARES reform agenda ng BIR, na naglalayong palakasin ang pangongolekta ng buwis at protektahan ang kita ng pamahalaan laban sa ilegal na kalakalan at iba pang aktibidad na nakaaapekto sa pambansang kita.